Bakit kase kailangan lahat ipilit?
Usapan namin alas diyes ng umaga sa tapat ng opisina ko. Anong oras na? Sampung minuto na lang lunch time na, wala pa din sya. Naka ilang text at tawag na ba ako? Kahit isa walang sagot.
Sabi ni Nica, dapat daw hindi na ako nag aabala pa sa boyfriend ko, dahil wala daw syang kwenta. Halos lahat ng kaibigan ko, ayaw kay Derek. Hindi dahil palagi syang late sa mga lakad namin, hindi dahil palagi nyang nakakalimutan ang mga importateng araw sa buhay namin kung di dahil meron syang girlfriend.
Aray ko, parang ramdam ko pa yung kutos ni Nica sa akin nung isang gabi. Sabi nya: “Hoy Karina, matauhan ka nga, hindi ka kase madaan sa magandang usapan baka sakaling pag kinutusan kita maalog yang utak mo, magising ka.”
Mahirap ipaliwanag kung bakit hanggang ngayon naghihintay pa din ako para sa kanya. Dalawang taon na akong nagmimistulang Juan na nag-aantay na mabagsakan ng bayabas swak sa bunganga. Oo, andyan ng mahal ko yung tao. Hindi naman masamang tao si Derek, hindi lang talaga nya maiwan si Risa.
Sa totoo lang pareho kaming may pagkatanga ni Derek. Kung bakit hindi nya maiwan si Risa kahit na to the nth power ang kasamaan ng ugali nya, hindi ko alam. Siguro kaya kami naging kami ni Derek dahil kinailangan nyang kumawala kay Risa na panay ang pakikipa-break sa kanya noon. At si mokong, twing binabalikan akala mo hinahagisan ng manna galing sa langit at masayang masaya. In other words, isa akong panakip butas na ginamitan ng mighty bond at hindi ordinaryong rugby lang. Ako ang mighty-bonded panakip butas na nagpupumilit kumapit kahit na wala na naman yatang sirang bagay na dapat ayusin.
Nagrunung-runungan ako at sinabi ko kay Nica ang mighty-bond theory ko. Sabi nya: “Sira, total renovation na ang kelangan nun, hindi na kaya ng kahit na anong tapal kasehodang mighty bond pa yan.”
Tama nga kaya si Nica? Kailangan ko na ba talagang bumitaw at maghanap ng new project?
Siguro madali para kay Nica na sabihin tigilan ko na ang kaaasa kay Derek. Buti sya, maganda, matalino, at maporma. Kapag Valentine’s Day nga ako na ang humahawak ng ibang flowers nya. Ang gusto ko lang naman sabihin ay hindi naman alam ni Nica yung pakiramdam ng tao na miminsan lang mabigyan ng pagkakataong magmahal.
Alam mo ba yung pakiramdam ng naghihintay na makaranas ng kilig? Yung pakiramdam ng naghihintay makarinig na may nagmamahal sa’yo? Yung ngumiti ng ngumiti kahit wala namang nakakatawa pero pag naisip mo yung oras na magkasama kayo masaya ka na? Si Derek, sya yun. Dumating sya nung panahon na halos naniwala na ako na hindi para sa akin ang pag-ibig. Kaya siguro nung dumating sya sa buhay ko, kahit mali, kahit alam kong dehado ako sinubok ko pa din. Kahit masakit kahit madaming tutol. Eh, ano naman puso ko naman to, di ba?
Habang pauwi galing opisina, inabutan ako ng malakas na ulan. Hindi ako handa at wala akong payong dahil sa init ng panahon hindi ko inakalang uulan pala sa hapon. Andun ako, basang-basang naglalakad, sa kanto papasok ng boarding house.
At biglang naisip ko. Si Derek at ako, parang malakas na ulan sa gitna ng kasikatan ng araw. Sa gitna ng tag-init, bumuhos ang ulan at nagdala ng malamig na simoy. Sino ba ang tatanggi sa malamig na hangin? Pero habang tumatagal, lumakas ng ulan, bumigat ang patak. Masakit ang bagsak ng ulan, parang tayo. Habang tumatagal mas lalo akong nasasaktan.
Siguro kailangan ko na talagan sumilong para makaiwas sa masasakit na patak, mga patak na nakakabulag.